Friday, August 14, 2009

Gantimpala

Nitong nakaraang mga araw ay nabahiran ng kontrobersiya ang National Artist Award dahil sa pagtutol ng ilang mga alagad ng sining sa ilang mga napili ngayong taong ito, partikular na kay Carlo J. Caparas (Visual Arts and Film) at Cecille Guidote-Alvarez (Theater). Ayon sa mga tumututol, na kinabibilangan ng mga National Artists na sina Bienvenido Lumbera, F. Sionil Jose, Virgilio Almario at iba pa, may mga mas karapat-dapat na maging National Artists subalit nawala sa pinal na listahan. Ibinigay nilang halimbawa ang eksperto sa musika na si Dr. Ramon Santos na siyang nakakuha ng maraming boto sa “selection process” pero hindi napili.

Sa kanilang parte, iginiit nila Caparas at Alvarez na karapat-dapat sila sa karangalang iyun. Sinabi pa ni Caparas na mga “elitista” ang mga tumututol sa kanyang pagkakapili bilang National Artist at dapat siyang maging National Artist dahil sa inilapit niya ang sining sa masa sa pamamagitan ng kanyang mga komiks.

Para sa akin, ang ipinupunto naman nina G. Lumbera, et al. ay hindi ang karapatan o ang kakayanan ng mga napili, kundi ang paraan at ang “circumstances” sa likod ng pagkakapili sa kanila. Alam naman ng lahat na sina Caparas at Alvarez ay mga masugid na taga-suporta ng administrasyong Arroyo, at aminin man nila o hindi ay malaki ang papel na ginampanan ng suportang iyon sa pagkakapili sa kanila. Isa pa, bakit may naalis na kandidato para sa parangal na nakakuha naman ng maraming boto? Halatang binigyan sila ng espasyo ng pumipili ng National Artist. Sino nga ba ang namili ng mga pararangalan ngayong taong ito? Hindi ba si GMA?

Hindi ko alam kung matatawa ako o maiinis ako sa banat ni Carlo J. Caparas na elitista raw ang mga may ayaw siyang maging National Artist at karapat-dapat daw siya sa parangal dahil sa kanyang “paglalapit ng sining sa masa”. Una, kung aalamin niya ang buhay ng kanyang dalawang pinaka-mahigpit na kritiko sa usaping ito, hindi naman maituturing na mariwasa o marangya ang pinanggalingan nila. Si G. F. Sionil Jose ay nanggaling sa pamilya ng mga magsasaka sa Pangasinan samantalang si G. Bienvenido Lumbera ay naulilang lubos at inalagaan ng mga kamag-anak. Pangalawa, kung ang pagiging malapit sa masa ang magiging sukatan ng pagiging National Artist, bakit hindi pa National Artist si Dolphy? O kaya si Mars Ravelo, na mas sikat ang mga gawang komiks kaysa sa kanya? Babanat na nga lang, sablay pa. Napapatunayan lang na tama ang mga kritiko niya.

Para naman kay Gng. Alvarez, isyu ito ng delicadeza. Ikaw ang pinuno ng ahensiya ng gobyernong naatasang pag-aralan ang mga kandidato sa parangal, bakit mo ibibigay ang parangal sa sarili mo? Granted na marami po kayong naiambag para sa pagsusulong ng sining sa bansang ito, bakit hindi nyo na lang po hinintay na matapos ang termino ninyo bilang pinuno ng NCCA (National Center for Culture and the Arts) bago po kayo maghangad na maparangalan? Konting nipis lang naman po ng mukha ang hinihingi namin.

Subalit ang higit na nakalulungkot at nakakapagngitngit isipin ay ang katotohanang ang isang parangal na kasing-prestihiyoso ng National Artist Award ay para na lamang isang piraso ng karne sa ilalim ng rehimeng ito–ibinabato bilang pabuya sa mga pinakamasusugid na alagang aso. Hindi na nakuntento sa paggamit ng pera at puwesto sa gobyerno, pati mga parangal ay ginagamit na rin bilang panuhol ng administrasyon. Pero ano pa nga ba ang aasahan mo sa isang gobyernong iniluklok ng pandaraya at binubuhay ng panunuhol at panggigipit?

Kung ayaw nilang ibalik ang parangal na nakuha nila kay Gloria, ayos lang. Hayaan na lang natin silang magsaya sa nakuha nilang gantimpala sa pagpapakatuta at pagpapakaputa sa isang maruming gobyerno.

Iyun lang.

Thursday, August 6, 2009

Paalam, Presidente Cory Aquino...

Habang isinusulat ko ito ay mapayapa nang namamahinga si Presidente Cory Aquino kasama ng kanyang asawa na si Senador Ninoy Aquino sa Manila Memorial Park.

Isang pahabol lamang ito sa mga naisulat ko na (sa ibang blog), dahil naramdaman kong kulang pa iyun noong nakita ko sa telebisyon ang mga tagpo kanina habang inihahatid si Presidente Cory sa kanyang huling hantungan.

Makapanindig-balahibo ang makita ang libu-libong tao na nakapila sa kalsada, hindi iniinda ang ulan, pagod at gutom, makapagbigay lamang ng respeto sa pangulong itinuturing na “Ina ng Demokrasya” at “global democracy icon”.

Nakakataba ng pusong panoorin ang mga taong nagbibigay ng mga payong, tubig, kapote at iba pang bagay sa mga nakapila sa La Salle at Manila Cathedral ng walang anumang kapalit.

Makabagbag-damdamin ang makita ang mga Pilipino mula sa iba’t ibang katayuan sa buhay–mayaman, mahirap, bata, matanda, babae, lalake–na nagsasama-sama para makita sa huling pagkakataon ang inirerespetong idolo.

Kahanga-hangang panoorin ang apat na “honor guards” na hindi pinansin ang ulan at pagod sa pagtupad sa marangal na tungkuling samahan si Tita Cory sa kanyang huling hantungan, kahit na ang ibig sabihin nito ay ang pagtayo ng mahigit 8 oras.

Sinasabi nila na nabuhay muli ang “Cory magic” at ang “diwa ng EDSA” nitong nakaraang mga araw. Siguro nga, dahil sa dinami-dami ng mga “pinuno” na dumaan sa kasaysayan ng bansang ito, si Presidente Cory lang ang nakitaan ng sinseridad at tunay na pagsasakripisyo para sa bayan.

Subalit hindi dapat dito magtapos ang kung anumang ipinakita natin nitong nakaraang mga araw.

Dapat nga eh gamitin natin ang mga aral na nakuha natin mula kay Tita Cory, gaya ng ginagawa natin sa mga aral na natutunan natin mula sa mga magulang natin. Gamitin natin ang ehemplo niya para tayo maging mas mabuting tao, mas mabuting Pilipino.

Sabi nga ng isang kaibigan ko sa kanyang blog, “Wag sana nating kalimutan ang simbolo ng dilaw na laso para sa ating mga Pilipino. Democracy lost its parents. Now, as children of democracy, we should do whatever it can to pursue the values and the principles our parents left us…”

Sabi ni Presidente Cory, “I thank the Lord for making me a Filipino, and I thank everybody for making me one of you”. Ang masasabi ko naman, I thank the Lord for making you a Filipino. And no, thank you for being one of us, Tita Cory.

Muli, ang aking pakikiramay sa pamilya Aquino at salamat, Tita Cory, sa lahat ng sakripisyo para sa bansa.

Iyun lamang po.