Thursday, August 6, 2009

Paalam, Presidente Cory Aquino...

Habang isinusulat ko ito ay mapayapa nang namamahinga si Presidente Cory Aquino kasama ng kanyang asawa na si Senador Ninoy Aquino sa Manila Memorial Park.

Isang pahabol lamang ito sa mga naisulat ko na (sa ibang blog), dahil naramdaman kong kulang pa iyun noong nakita ko sa telebisyon ang mga tagpo kanina habang inihahatid si Presidente Cory sa kanyang huling hantungan.

Makapanindig-balahibo ang makita ang libu-libong tao na nakapila sa kalsada, hindi iniinda ang ulan, pagod at gutom, makapagbigay lamang ng respeto sa pangulong itinuturing na “Ina ng Demokrasya” at “global democracy icon”.

Nakakataba ng pusong panoorin ang mga taong nagbibigay ng mga payong, tubig, kapote at iba pang bagay sa mga nakapila sa La Salle at Manila Cathedral ng walang anumang kapalit.

Makabagbag-damdamin ang makita ang mga Pilipino mula sa iba’t ibang katayuan sa buhay–mayaman, mahirap, bata, matanda, babae, lalake–na nagsasama-sama para makita sa huling pagkakataon ang inirerespetong idolo.

Kahanga-hangang panoorin ang apat na “honor guards” na hindi pinansin ang ulan at pagod sa pagtupad sa marangal na tungkuling samahan si Tita Cory sa kanyang huling hantungan, kahit na ang ibig sabihin nito ay ang pagtayo ng mahigit 8 oras.

Sinasabi nila na nabuhay muli ang “Cory magic” at ang “diwa ng EDSA” nitong nakaraang mga araw. Siguro nga, dahil sa dinami-dami ng mga “pinuno” na dumaan sa kasaysayan ng bansang ito, si Presidente Cory lang ang nakitaan ng sinseridad at tunay na pagsasakripisyo para sa bayan.

Subalit hindi dapat dito magtapos ang kung anumang ipinakita natin nitong nakaraang mga araw.

Dapat nga eh gamitin natin ang mga aral na nakuha natin mula kay Tita Cory, gaya ng ginagawa natin sa mga aral na natutunan natin mula sa mga magulang natin. Gamitin natin ang ehemplo niya para tayo maging mas mabuting tao, mas mabuting Pilipino.

Sabi nga ng isang kaibigan ko sa kanyang blog, “Wag sana nating kalimutan ang simbolo ng dilaw na laso para sa ating mga Pilipino. Democracy lost its parents. Now, as children of democracy, we should do whatever it can to pursue the values and the principles our parents left us…”

Sabi ni Presidente Cory, “I thank the Lord for making me a Filipino, and I thank everybody for making me one of you”. Ang masasabi ko naman, I thank the Lord for making you a Filipino. And no, thank you for being one of us, Tita Cory.

Muli, ang aking pakikiramay sa pamilya Aquino at salamat, Tita Cory, sa lahat ng sakripisyo para sa bansa.

Iyun lamang po.

1 comment:

bathmate said...

Many thanks for your nice posting , I like it.
Bathmate